Las Piñas City kasado na sa pagdaraos ng payapang 2023 BSKE
Kasado na ang Las Piñas City sa pagtataguyod ng malinis, tapat at mapayapang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30.
Pinangunahan ng Las Piñas Commission on Elections (COMELEC) ang ginanap na Unity Walk, Peace Covenant Signing, at Candidates’ Forum kamakailan bago ang nalalapit na BSKE bilang hakbang sa pagtiyak sa maayos na halalan sa lungsod.
Layunin ng programa na isulong ang pagiging patas,magandang samahan at pagpapabatid ng partisipasyon sa eleksiyon.
Nakibahagi sa Unity Walk ang mga stakeholders kasama ang mga miyembro ng COMELEC), Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG), election candidates, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, religious community leaders, at mga panauhin.
Kabilang sa mga nanguna sa okasyon sina Las Piñas City Police Station Chief, Colonel Jaime Santos, DILG Regional Director Mary Anne Planas at Las Piñas COMELEC Election Officer Atty. Jehan L. Marohombsar.
Isinagawa naman ang Peace Covenant Signing upang ipakita ang pangako sa komunidad tungo sa payapa at maayos na proseso ng halalan habang naglunsad ng Candidates’ Forum para ilatag ang plataporma ng mga kandidato na nagnanais na maupo sa puwesto sa Barangay at SK.
Ang mga ganitong kaganapan ng Las Pinas ay sumasalamin sa maagang hakbang nito sa pagsiguro sa mapayapang eleksiyon sa lungsod. (Bhelle Gamboa)