Publiko pinag-iingat sa pagbili ng kandila na posibleng nagtataglay ng nakalalasong kemikal
Hinikayat ng consumer watchdog group na BAN Toxics ang publiko na maging maingat at mapanuri sa bibilhing mga kandila para sa paggunita ng Undas.
Nagsagawa ng market monitoring ng grupo sa mga kandilang ibinebenta sa Divisoria sa Maynila.
Ayon sa BAN Toxics, ang mga kandila ay nagkakahalaga ng P35 hanggang P200 bawat isa depende sa laki at packaging.
Sa obserbasyon ng grupo, ang ilan sa mga kandilang ibinebenta ay walang proper labeling gaya ng markers ng manufacturer nito, ingredient lists, at precautionary statements para sa product safety.
Nanawagan si Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics sa Food and Drug Administration (FDA) at sa Department of Trade and Industry (DTI) na magsagawa ng post-marketing surveillance para matiyak na nakasusunod ang mga kandilang ibinebenta sa merkado sa SRP at sa quality and safety standards.
Ayon sa grupo, noong 2016 ay nagpalabas ng health advisory ang FDA kung saan binibigyang babala ang publiko sa pagbili ng mga kandila na ginagamitan ng lead-containing wicks at mayroong metal containers na may lead na maaaring banta sa kalusugan ng publiko.
“BAN Toxics will continue to monitor the market and identify lead-cored wick candles that could pose dangers to the public due to lead emitted fumes,” ani Dizon.
Ang U.S. Consumer Product Safety Commission (CPSC) ay nauna ng nagpatupad ng ban sa paggawa at pagbebenta ng lead-cored wicks at kandila na may lead-cored wicks.
Noong 2002, ang Australian Government ay nagpatupad naman ng permanent ban sa mga kandila na ginagamitan ng wicks na nagtataglay ng lagpas sa 0.06% na lead. (DDC)