Transport strike ng MANIBELA nabigong paralisahin ang pampublikong transportasyon
Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nabigong paralisahin ang normal na operasyon ng pampublikong transportasyon sa transport strike o tigil pasada na isinagawa ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) sa Metro Manila ngayong October 16.
Ang transport group Manibela na pinamumunuan ni Mar Valbuena ay kumukontra sa December 31 deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa konsolidasyon ng tradisyunal na jeepneys bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Based on our monitoring as of 11 am, there was no major disruption of public transportation in Metro Manila,” sabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes sa ginanap na press briefing sa MMDA Head Office sa Pasig City.
“Kung ang purpose ng strike ay i-paralyze ang public transportation, nabigo po sila. Pero kung ang purpose nila ay magpapansin, siguro nagtagumpay sila sa ganoong aspeto. Nabigyan siya ng airtime, na-interview siya,” idinagdag nito.
Aniya may mga pasahero sa ilang lugar na mailalarawang karaniwan tuwing Lunes sa umagang trapiko.
Pinabulaanan ni Artes ang naging pahayag ni Valbuena na napuwersa ang gobyerno dahil sa mga banta ng tigil pasada kaya ilang local government units (LGUs) at learning establishments ay nagsuspinde ng mga klase.Ilang LGUs at tanggapan ng gobyerno ay nag-alok ng ng libreng sakay upang masigurong hindi magdulot ng abala ang strike sa mga pasahero.
“Hindi tayo magpapa-hostage sa ganyang pananakot. Ang cancellation ng klase ay call ng mga LGUs. Nag-online classes naman, hindi total cancellation,” pahayag ni Artes.
“Ang atin pong pamahalaan ay hindi puwedeng i-hostage ng banta ng economic sabotage at inconvenience ng commuting public lalong-lalo na kung ang dine-demand mo ay mali. Tandaan po natin, ang jeepney modernization ay inuutos ng batas. In fact, more than 70 percent na ang compliant diyan.”
Bago pa man ang October 16 transport strike, nagtayo na ang MMDA ng isang multi-agency command center (MACC) at minonitor ng MMDA Head Office sa Pasig City ang mga pagbabago sa naturang transport strike.
Maagang ipinosisyon ang mga augmentation vehicles sa mga strategic areas.
Umapela ang MMDA chief ng pang-unawa dahil sa hindi pagsususpinde ng ahensiya sa expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme.
“The decision of MMDA not to suspend the number coding scheme has yielded a positive result. Our aim is to avoid impeded traffic flow and to generate faster turn-around time of public transportation,” paliwanag nito.
Ang mga transport operators ng “Magnificent 7” group ay unang nangako sa mga opisyal ng MMDA na hindi sila lalahok sa transport strike ng Manibela.
Ayon sa MMDA, kabilang sa mga nangakong hindi sasali sa tigil pasada ay ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), Stop and Go Transport Coalition, at ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP). (Bhelle Gamboa)