Nagpanggap na LTO enforcer sa QC sasampahan ng kaso
Iniutos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa isang lalaki na nagpanggap bilang enforcer ng ahensya at nangikil ng pera sa mga motorista sa Cubao, Quezon City.
Kasabay nito ay hinimok ni Mendoza ang lahat ng naging biktima ng suspek na si Jurdinito Rid Macula na makipag-cooperate sa Quezon City Police District (QCPD) sa isasagawang imbestigasyon para sa isasampang kaso.
Si Macula ay naaresto matapos na isang motorista ang maghinala ng tumanggi itong magpakita ng kaniyang ID para mapatunayan na siya ay taga-LTO.
Ayon sa reklamo, nagpakilala si Macula bilang LTO enforcer na nakatalaga sa Metro Manila at pinara ang biktima dahil sa paggamit umano ng unauthorized side mirror.
Sa isinagawang beripikasyon ni LTO-National Capital Region Regional Director Roque Verzosa, napatunayan na hindi bahagi ng LTO-NCR ang suspek.
Tiniyak ni Mendoza na matuturuan ng leksyon si Macula na ngayon ay nakakulong sa QCPD Station 7. (DDC)4