DICT inaalam pa kung may nakompromisong sensitibong impormasyon sa insidente ng hacking sa website ng Kamara
Inaalam pa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung mayroong mga sensitibong impormasyon na nakompromiso matapos mapasok ng hacker ang website ng House of Representatives.
Sa update ng ahensya sinabi nitong agad inalis ng HOR ang kanilang website matapos malaman ang insidente upang mapigilan ang unauthorized access.
Agad ding naireport ang insidente sa DICT Philippine National Computer Emergency Response Team o CERT-PH.
Ayon kay DICT Asst. Sec. for Legal Affairs Renato Paraiso, maibabalik sa lalong madaling panahon ang website ng Kamara.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Cybercrime Investigation and Coordination Center katuwang ang iba pang law enforcement agencies para matukoy ang threat actor at sa pagsasampa ng kaso.
Nagbigay din ng mga rekomendasyon CERT-PH sa IT Team ng Kamara para maiwasan na maulit ang kahalintulad na insidente. (DDC)