P1B na halaga ng cash assistance sa mga pamilyang nabiktima ng Typhoon Egay ipamamahagi ng DSWD
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng P1.1 billion na halaga ng Emergency Cash Transfer (ECT) assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Egay sa limang rehiyon sa bansa.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, ang pamamahagi ng ECT ay sa pamamagitan ng digital payouts gamit ang financial service providers ng ahensya.
Isasagawa ang pamamahagi ng tulong-pinansyal hanggang sa susunod na buwan ng Nobyembre.
Nasa 178,396 na qualified beneficiaries ang makikinabang dito mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), at sa Regions I (Ilocos), II (Cagayan Valley), III (Central Luzon), at MIMAROPA.
Direktang matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang cash assistance mula sa Special Disbursing Officers (SDOs) sa kani-kanilang DSWD Field Offices. (DDC)