Manila City LGU maghihigpit na sa Manila North at Manila South Cemetery simula sa Oct. 29
Maghihigpit na sa Manila North at Manila South Cemetery simula sa Oct. 29, 2023 bilang paghahanda sa Undas.
Inilatag ng Manila City Government ang mga panuntunan na ipatutupad sa dalawang sementeryo na nasa pangangasiwa ng pamahalaang lungsod.
Ayon sa Manila City LGU, simula Oct. 29 hanggang Nov. 2 bawal na ang mga sumusunod sa loob ng dalawang sementeryo:
– vendors
– sasakyan
– nakalalasing na inumin
– baraha, bingo cards o anumang gamit pangsugal
– flammable materials
– firearms at mga matutulis na bagay gaya ng kutsilyo o cutter
– videoke o iba pang sound system
Hanggang sa Oct. 25 na lang papayagan ang paglilinis, pagpipintura at pag-aayos sa mga puntod.
Ang paglilibing ay hindi muna papayagan mula Oct. 28 at muling magre-resume sa Nov. 3.
Ang main gates ng cementeryo ay bukas mula 5:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon simula Oct. 30 hanggang Nov. 2.
Ang mga sasakyan ay papayagan lamang na makapasok sa Manila North Cemetery hanggang Oct. 25 at sa Manila South Cemetery hanggang Oct. 28. (DDC)