PSA nabiktima ng data breach; mga impormasyon sa PhilSys hindi naapektuhan
Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagkakaroon ng data leak sa kanilang sistema.
Ayon sa PSA matapos itong malaman, agad binuo ang kanilang Data Breach Response Team (DBRT) at naglunsad ng imbestigasyon.
Nakipag-ugnayan din ang PSA sa Compliance and Monitoring Division ng National Privacy Commission (NPC), National Computer Emergency Response Team-Philippines (NCERT-PH) ng Department of Information and Communications Technology (DICT), at sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP).
Sa initial assessment sinabi ng PSA na ang naapektuhang sistema ay ang kanilang the Community-Based Monitoring System (CBMS).
Sa ngayon ay inaalam pa ng PSA kung anong mga personal data mula sa CBMS ang nakompromiso.
Tiniyak naman ng PSA sa publiko na hindi naapektuhan ang mga impormasyon sa Philippine Identification System (PhilSys) at Civil Registration System (CRS).
Tiniyak ng PSA na gumagawa na ito ng dagdag na preventive at containment measures para mas mapagtibay ang security at integrity ng kanilang mga sistema at database.
Binalaan naman ng PSA ang publiko na huwag basta-basta mag-click ng mga link sa social media.
Siniguro din nitong papanagutin ang nasa likod ng aktibidad. (DDC)