Libreng flu vax para sa senior citizens inilunsad ng Las Piñas LGU
Umabot sa 730 na senior citizens ang nabiyayaan sa isinagawang taunang influenza vaccination drive ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa Verdant Covered Court, Barangay Pamplona Tres kahapon.
Sa pangunguna ng City Health Office ay matagumpay na nabakunahan ng libreng flu vaccine ang mga senior citizen sa lungsod.
Nagkaloob din ng suporta sa naturang programa ng lokal na pamahalaan ang Philippine Foundation for Flu Vaccination at ng Raising Awareness for Influenza in Support of Elderlies (RAISE) coalition upang tumulong sa pagpapa-angat ng kamalayan ng mga senior at bigyang-importansiya ang kahalagahan ng flu vaccine para makaiwas sa mga sakit at seryosong komplikasyon.
Layunin ng programa na mas mapagbuti at mapadali ang pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga nakatatanda sa lungsod lalo na sa nauusong sakit na trangkaso na maaaring magdulot ng panganib o banta sa kanilang kalusugan.
Ayon kay CHO Officer-in-Charge Dr. Juliana Gonzales mahalaga na mabakunahan ng flu vaccine ang mga senior citizen upang makaiwas sila sa mga mapapanganib na sakit na nakukuha sa trangkaso at ang potensiyal nitong mapalala ang kanilang kondisyon sa kalusugan.
Asahan ang tuluy-tuloy na flu vaccination drive para sa mga senior citizen sa Las Piñas bilang pagsiguro ng lokal na pamahalaan para sa kanilang kapakanan at kalusugan sa ilalim ng komprehensibong mga programang pangkalusugan na itinataguyod nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar. (Bhelle Gamboa)