Bilihan ng palay ngayong panahon ng anihan nasa P18 hanggang P20 pa rin
Nananatiling nasa P18 hanggang P20 ang bilihan ng mga bagong aning palay sa bansa.
Sa isang panayam sinabi ni Bantay Bigas spokesperson at Amihan Secretary General Cathy Estavillo, ang nais sana ng mga magsasaka ay maitaas sa P20 hanggang P22 ang presyuhan ng kada kilo ng palay.
Hanggang sa ngayon sinabi ni Estavillo na umaasa pa rin ang mga magsasaka na sa halip na mga traders ay ang gobyerno ang bumili ng bulto ng aning palay sa mas mataas na halaga.
Sa ngayon kasi, napakababa ng kuha ng mga trader sa aning palay, at pagdating sa merkado ng bigas ay hindi na makatarungan ang presyo nito.
Sinabi ni Estavillo na patuloy na umaasa ang kanilang grupo sa pagbawi ng umiiral na RA 11203 o Rice Tariffication Law.
Ayon kay Estavillo, dahil sa pagkalugi ng mga magsasaka, marami sa mga ito ang nagpapasya ng ibenta na lang ang kanilang lupang sakahan. (DDC)