Toy and Game Safety Labeling Act dapat repasuhin ng gobyerno
Hinikayat ng Toxic Watchdog group na BAN Toxics ang Food and Drug Administration (FDA) at ang Department of Trade and Industry (DTI) na rebisahin ang Republic Act 10620 o Toy and Game Safety Labeling Act of 2013 na sampung taon ng umiiral.
Ang panawagan ay ginawa ng grupo kasabay ng paggunita ng Consumer Welfare Month ngayong Oktubre.
Ayon sa BAN Toxics, sampung taon na ang nakararaan simula ng maisabatas ang Toy and Game Safety Labeling Law na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sa nasabing batas ay kinikilala ang ang pagbibigay ng safeguard at pangangalaga sa mga bata sa panganib na maaaring idulot sa kanila ng laruan.
Lahat ng laruan na ibinebenta sa bansa ay dapat sumunod sa probisyon ng nasabing batas sa paglalagay ng safety labeling at manufacturer’s markings.
Ang problema ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner of BAN Toxics, kahit sampung taon ng umiiral ang batas, karamihan sa mga laruan na binebenta sa merkado ay walang labeling requirements.
Ngayong papalapit ang holiday season ay mas marami aniyang laruan ang maglilipana sa merkado.
Sa Implementing Rules and Regulations ng batas, ang FDA at DTI ang main regulatory agencies para matiyak ang implementasyon nito.
Ayon sa BAN Toxics, dapat pag-aralan ng FDA at DTI kung saan nagkakaroon ng problema at bakit hindi naipatutupad ng maayos ang batas. (DDC)