Isang Pinoy sa Israel hawak ng mga armadong militante at dinala sa Gaza
Pito sa dalawampu’t siyam na Pinoy na unang iniulat na nawawala sa Israel ang patuloy pang pinaghahanap.
Ayon sa update na ibinahagi ni Ambassador Pedro “Junie” Laylo Jr. ng Philippine Embassy sa Israel, sa 29 na unang napaulat na mga Pinoy na nawawala, 22 ang na-rescue na ng Israeli security forces.
Agad silang dinala sa ligtas na lugar.
Isa sa kanila ang ginamot sa ospital dahil sa tinamong ‘moderate injuries’, habang ang isa ay nilapatan din ng lunas dahil sa smoke inhalation.
Ayon kay Laylo, mayroon pang 7 Pinoy ang pinaghahanap at hindi matawagan sa kanilang mobile numbers at hindi rin ma-contact sa social media accounts.
Samantala, sinabi din ni Laylo na isang Pinoy ang nakita sa video na hawak ng mga armadong lalaki at dinala sa Gaza.
Mismong ang asawa ng naturang Pinoy ang nagkumpirma sa embahada na mister niya nga ang nasa video.
Ayon kay Laylo, naipabatid na nila sa mga otoridad ng Israel ang nasabing impormasyon.
Patuloy ang payo ng embahada sa mga Pinoy sa Israel na manatili lamang sa kanilang tahanan at palagiang i-monitor ang security situation. (DDC)