Ulat na may nawawalang Pinoy sa Israel bineberipika pa ng embahada – DFA
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroong mga ulat ng pagkawala ng ilang Pinoy sa Israel.
Sa panayam ng programang ‘Isahan’ sa Radyo Pilipino, sinabi ni DFA Usec. Eduardo de Vega, mayroong limang ‘unaccounted for’ base sa datos ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv.
Bineberipika pa ng embahada kung nadukot ang mga ito o kung ano ang kanilang kondisyon.
Sinabi ni De Vega na patuloy ang ginagawang hakbang ng mga ahensya ng pamahalaan para matiyak ang seguridad ng mga Pinoy.
Patuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa Israeli Government.
Sa ngayon sinabi ni De Vega
na wala pa namang Pinoy na nagpapaabot ng pagnanais na umuwi o magpa-repatriate.
Tinututukan din aniya ngayon ang Gaza kung saan mayroong 150 Filipinos na karamihan ay may asawang Palestinian.
Aalamin aniya pamahalaan kung mayroon sa mga ito ang nais na magpalikas o nais umuwi ng Pilipinas.
Siniguro ni De Vega sa publiko na ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy. (DDC)