Bilang ng pasaherong bumiyahe sa NAIA umabot na sa mahigit 33.7 million sa unang tatlong quarter ng taon
Umabot na sa mahigit 33 million na pasahero ang naitalang bumiyahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa unang tatlong quarter ng kasalukuyang taon.
Sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA) nakapagtala ng 33,757,646 domestic at international passengers sa NAIA sa unang tatlong quarters ng 2023 na mas mataas kumpara sa mahigit 30.9 million na pasahero na naitala noong buong taon ng 2022.
Simula January 2023 hanggang September 2023, nakapagtala ng domestic at international flight sa NAIA na umabot sa 206,050 flights.
Ito ay 31% na mas mataas kumpara sa parehong petsa noong 2022.
Noong July 2023 naitala ang pinakamaraming bilang ng pasahero na umabot sa 4,185,555.
Ayon kay MIAA Officer-in-Charge Bryan Co, base sa datos, hindi malayong maabot ang kanilang year-end projections na 45 million passengers at 275,000 flights sa pagtatapos ng taong 2023. (DDC)