Distribusyon ng driver’s license pinatatapos ng LTO sa unang quarter ng 2024
Pinatitiyak ng Department of Transportation (DOTr) sa Land Transportation Office (LTO) na makukumpketo ang distribusyon ng pre-printed driver’s license plastic cards sa unang quarter ng taong 2024.
Ayon sa datos ng LTO umabot na sa 1.2 million cards ang nai-deliver sa kanila ng supplier.
Iniutos ni Transportation Sec. Jaime J. Bautista na bilisan ang delivery ng license cards matapos ang pagbawi ng korte sa temporary restraining order (TRO) na ipinataw sa card manufacturer.
Pinasisiguro ni Bautista sa LTO na nakatutugon ang manufacturer ng plastic cards sa itinakdang timeline ng ahensya.
Noong Huwebes (Oct. 5) dagdag na 150,000 plastic cards pa ang nai-deliver ng kumpanyang Banner Plasticard, Inc sa LTO.
Simula July 25 ay umabot na sa kabuuang 1.2 million cards ang nai-deliver ng kumpanya.
Ayon sa LTO ang kasalukuyang production rate, ay 25,000 hanggang 27,000 cards kada araw.
Naipamahagi na ng LTO ang 700,000 cards sa mga regional offices para maibigay sa mga nag-renew at magre-renew pa lamang ng lisensya. (DDC)