Publiko pinag-iingat sa pagbili ng mga hindi rehistradong Halloween products
Binalaan ng toxic watchdog group na BAN Toxics ang publiko sa pagbili ng mga produktong ginagamit tuwing halloween.
Nakuhanan ng grupo ang iba’t ibang produkto na ibinebenta sa merkado gaya ng mga maskara, face paint at make-up, horror blood, pangil, jack-o-lantern baskets, battery-operated toys, imitation weapons, at iba pa.
Ayon sa grupo, karamihan sa mga ito ay walang karampatang label kaya maaaring hindi otorisado ang pagbenta at paggamit sa mga ito dahil wala itong Certificate of Product Notification (CPN) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa ilalim ng RA 10620 o ang Toy and Game Safety Labeling Act of 2013 nakasaad na dapat mayroong special labeling ang mga ibinebentang laruan sa merkado.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, maging ang mga halloween products ay dapat dumaan sa registration sa FDA bago ibenta sa publiko.
Sinabi ni Dizon na ang nasabing mga laruan ay maaaring may taglay na nakalalasong kemikal at delikado sa kalusugan ng mga bata.
Maliban dito, delikado din ang ilan sa mga ito na maaaring malunok o magdulot ng pagkasugat sa mga bata.
Bilang bahagi ng Safe Toys for Kids Campaign, hinikayat ng BAN Toxics ang mga nagbebenta ng nasabing mga laruan na alisin sa merkado ang mga hindi rehistradong produkto. (DDC)