Dagdag na pondo at tamang pagpapatupad ng Mental Health programs isinulong ni Sen. Bong Go
Isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go na maitaas ang pondo at maipatupad ng tama ang mga mental health program.
Ginawa ni Go ang pahayag sa pagdinig sa budget ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Go, tumataas ang mga insidente ng mental health issues at hindi ito maaaring pabayaan lamang.
“Hindi rin natin dapat kalimutan ang sapat na pondo para sa mental health programs lalo na sa panahon ng pandemya na marami sa ating mga kababayan ang apektado po ang mental health,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na kinaltasan ng mahigit 10 billion pesos ang budget para sa DOH sa taong 2024 kumpara ngayong 2023.
Ayon sa senador, marami pang programa ang ahensya na kailangang mapaglaanan ng pondo kaya dapat maitaas pa ang budget nito.
Dahil dito ay inendorso ni Go ang pagbibigay ng dagdag na alokasyon sa DOH.
“With that, I endorse additional funding for the Department of Health. Pagtulungan po natin ito, the more we should invest sa ating health sa panahon ngayon,” dagdag ni Go.
Si Go ay co-author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2200 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Layunin ng panukala na magbigay ng komprehensibong mental health support para sa mga kabataan sa ilalim ng basic education system.
Isinusulong din ni Go ang SBN 1786 na layong atasan ang mga public higher education institutions na magkaroon ng Mental Health Offices sa mga campus.
“Last year, as chair of the Senate Health Committee, we have successfully pushed for a special provision to use the additional PhP21 billion under the 2023 national budget for the improvement of various PhilHealth packages,” sinabi pa ni Go. (DDC)