3 Pinoy patay makaraang mabangga ng isang commercial vessel ang sinasakyan nilang bangka sa Bajo de Masinloc
Nasawi ang tatlong mangingisdang Pinoy makaraang mabangga ng isang unidentified commercial vessel ang kanilang sinasakyang bangka sa Bajo de Masinloc.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa salaysay ng nakaligtas na crew ng FFB DEARYN, nangyari ang insidente madaling araw ng Oct. 2.
Dahil sa pagbangga, lumubog ang bangka na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong Pinoy kabilang ang boat captain nito.
Kinilala ng PCG ang mga nasawi na sina: Dexter Laudencia, 47 anyos (boat captain); at ang mga boat crew na sina Romeo Mejeco, 38 anyos at Benedicto Olandria, 62 anyos.
Ang tatlo ay pawang residente ng Brgy. Calapandayan, Subic, Zambales.
Labingisang crew ng bangka ang nakaligtas matapos sumakay sa kanilang service boats.
Kasama ang tatlong kasamahan nilang nasawi ay nagtungo sila sa Barangay Cato, Infanta sa Pangasinan.
Nakarating sila sa pinakamalapit na sub-station ng PCG umaga ng Oct. 3 upang i-report ang insidente. (DDC)