Green card at libreng libing programs ng Las Piñas LGU tuluy-tuloy pa rin
Agad inaprubahan ni Las Piñas City Vice Mayor April Aguilar ang ilang kahilingan ng mga residente ng lungsod patungkol sa “libreng libing” program at mga aplikasyon sa green card para sa subsidiya naman sa ospital.
Ito ay bahagi pa rin sa pagtataguyod ng lokal na pamahalaan na bigyan ng mahalagang tulong at mga serbisyong sumisiguro sa kapakanan ng Las Piñeros lalo na sa panahon ng kagipitan.
Ang serbisyong “libreng libing” ay inisyatibo sa pagbibigay ng subsidiya sa funeral service, na mahalagang tulong at kaluwagan sa maraming pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Habang ang programa sa green card ay nagkakaloob ng subsidiya sa ospital na kinakailangang suporta ng mga residente na nahaharap sa problemang medikal.
Sa pamamagitan ng maagap na hakbang ng bise-alkalde, maraming residente ang sumailalim sa maayos na proseso upang makakuha ng ganitong mga serbisyo na sumasalamin sa pakikiramay at agarang pagtugon ng Las Piñas LGU.
Pagpapakita rin ito na matatag at mapagmalasakit ang lokal na pamahalaan upang siguruhin ang kapakanan ng mga residente. (Bhelle Gamboa)