Las Piñas LGU nakiisa sa National Cooperative Month, libreng sakay program inilunsad
Las Piñas LGU nakiisa sa National Cooperative Month, libreng sakay program inilunsad
Bilang pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pagdiriwang ng National Cooperative Month 2023, inilunsad nito ang “Libreng Sakay” program para serbisyuhan ng transportasyon ang mga Las Piñeros nitong Oktubre 2.
Sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at pangunahing bilihin ay napagkalaooban ng libreng masasakyan ang mga pasahero upang mabawasan ang kanilang alalahanin sa pasahe.
Naging matagumpay ang paglulunsad ng programa sa pagtutulungan ng Las Piñas Cooperative Development Council, Mayor Mel Aguilar, Vice Mayor April Aguilar, at Councilor Peewee Aguilar, Chairman ng Committee on Cooperatives.
Sinimulan ang Libreng Sakay ng alas-8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon at dineploy ang tatlong mini bus para bumiyahe sa dalawang pangunahing ruta upang magsakay ng mga pasahero.
Nabatid na isang mini bus ang may rutang SM hanggang Marcos Alvarez at dalawang mini bus naman ang bumibiyahe magmula Alabang Zapote Starmall hanggang Zapote Jollibee at pabalik.
Ang pagdiriwang ngayong Oktubre ay simbolo sa mahalagang kontribusyon ng kooperatiba sa pagsusulong ng katatagan nito at sa komunidad.
Sa pamamagitan ng Libreng Sakay na isang magandang hakbang ay nakakatulong ang Las Piñas LGU at ng cooperative council na tugunan ang mga suliranin na kinakaharap ng ating bansa. (Bhelle Gamboa)