SC inatasan ang PCSO na ibigay ang mahigit P12M na jackpot prize na napanalunan ng isang bettor noon pang 2014
Inatasan ng Korte Suprema ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ibigay ang mahigit P12 million na jackpot prize na napanalunang ng isang lotto bettor noon pang 2014.
Nakarating sa korte ang usapin makaraang hindi ibigay ng PCSO ang premyo dahil sa nagkaroon ng damage ang winning lotto ticket matapos itong maplantsa.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, ibinasura ng Supreme Court 2nd Division ang petition for review on certiorari na inihain ng PCSO na layong isantabi ang naunang desisyon at resolusyon ng Court of Appeals (CA) na nagpapatibay sa naging pasya ng Regional Trial Court (RTC) ng Balayan, Batangas.
Sa nasabing RTC Decision inatasan ang PCSO na ibigay kay Antonio F. Mendoza ang kabuuang P12,391,600 na napanalunan niya sa Lotto 6/42.
Taong 2014 ng manalo si Mendoza subalit nalukot ng kaniyang anak ang winning ticket kaya nagpasya silang plantsahin ito.
Dahil sa pagplantsa umitim ang bahagi ng ticket kaya ang unang first two digits na lamang ng tatlong number combinations na kaniyang tinayaan ang nababasa.
Kita rin ang outlet kung saan binili ang ticket, ang draw date, date of purchase, at ang oras na binili ito.
Noong October 5, 2014, nagtungo si Mendoza sa PCSO Mandaluyong City para ipakita ang damaged winning ticket
kung saan pinagsumite siya ng paliwanag sa nangyari.
Oct. 7 nang siya ay bumalik dala ang affidavit subalit sinabihan siya na hindi na niya makukuha ang premyo dahil hindi ma-validate ang kaniyang tiket.
Sumailalim pa sa pagdinig ng Kamara ang kaso kung saan nagpasya ang Committee on Games and Amusements na dapat ibigay ng PCSO ang premyo ni Mendosa subalit hindi tumalima ang ahensya kaya nagpasya na itong magsampa ng kaso sa korte.
Pinaburan naman ng RTC si Mendoza at sinabing napatunayan na ito ang exclusive winner sa nasabing Lotto draw.
Ayon naman sa CA, napatunayan na si Mendoza lamang ang nakakuha ng winning six-number combination noong October 2, 2014 Lotto 6/24 draw.
Ang number combination ay tinayaan ni Mendoza sa pamamagitan ng ‘lucky pick’. (DDC)