Pangulong Marcos nagpaabot ng “strong message” sa China nang iutos ang pagbaklas sa floating barrier sa Bajo de Masinloc
Nagpaabot ng “strong message” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China nang ipag-utos nito ang pagbaklas sa floating barrier sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay De La Salle International Studies Prof. Renato De Castro, sa naturang pasya ng pangulo, direkta nitong ipinaabot sa China ang kaniyang matibay na political will upang masiguro ang food security para sa mga mamamayang Filipino lalo na sa mga apektadong mangingisdang Pinoy.
Pagpapakita din aniya ito ng “independent foreign policy” ng pangulo dahil hindi na ito komonsulta pa sa mga kaibigang bansa gaya ng US, Japan at Australia.
Ani De Castro ipinakita ng pangulo sa gobyerno ng China kung paanong tutugunan ng administrasyon ang mga illegal activities sa West Philippine Sea.
Naniniwala si De Castro na mas maraming “decisive actions” ang bibitiwan ng Pangulong Marcos para tugunan ang ginagawa ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Nakikita din ni De Castro na nataranta at ikinagulat ng China ang naging pasya ng presidente. (DDC)