Kalusugan at mental health ng kabataan itinataguyod ng Las Piñas LGU
Patuloy na itinataguyod ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang kalusugan at kapakanan ng kabataang Las Piñeros.
Sa pagtutulungan ng City Health Office at Social Hygiene Clinic ay naglunsad ng health and mental awareness program na may temang “Malusog na Isipan para sa Ating Kabataan Tungo sa Magandang Kinabukasan,” para sa mga kabataan, na ginanap sa Robinsons Mall Las Piñas kahapon.
Masigla itong nilahukan ng kabataang Las Piñeros kabilang ang mga kinatawan ng Department of Education, Sangguniang Kabataan, local youth organizations, at mga estudyante.
Ito ay karugtong ng matagumpay na “Healthy Young Minds” activity noong Marso 2023 na layuning magbigay ng mas komprehensibong paglapit sa mga kabataan upang tugunan ang iba’t ibang isyu sa mental at reproductive health.
Pinagkalooban ang kabataan ng mga libreng serbisyo tulad ng lektura ukol sa HIV awareness, life skills, at mental health upang bigyan sila ng mahahalagang impormasyon at suportang makabubuti sa kanila sa kinabibilangang lipunan.
Bukod pa rito,nakatanggap din ang kabataang Las Piñeros ng libreng dental kits, massages, make-up sessions, at iba pang simpleng handog para iangat ang kanilang kamalayan.
Dumalo sa kaganapan sina Vice Mayor April Aguilar, Councilor Peewee Aguilar, City Social Welfare and Development Office OIC Lowefe Romulo, at City Health Office OIC Dr. Juliana Gonzales upang suportahan ang ganitong magandang hakbang sa pagtataguyod ng lokal na pamahalaan sa kalusugan at kapakanan ng mga kabataan sa lungsod tungo sa kanilang mas magandang kinabukasan. (Bhelle Gamboa)