Dagdag sahod sa Regions II, III at XII aprubado na ng Wage Board

Dagdag sahod sa Regions II, III at XII aprubado na ng Wage Board

Aprubado na ang dagdag sahod sa mga manggagawa sa Cagayan Valley, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage orders na isinumite ng regional wage boards para sa dagdag sahod sa nasabing mga rehiyon.

Tinatayang mahigit 682,000 na manggagawa sa Regions II, III at XII ang makikinabang sa kautusan.

Sa Sept. 30, 2023 nakatakdang isapubliko ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang wage orders kaya inaasahang magiging epektibo ito sa Oct. 16, 2023.

Sa Cagayan Valley, inaprubahan ang dagdag na P30 sa minimum wage na ang implementasyon ay hahatiin sa dalawa.

Sa full implementation, ang minimum wage sa Cagayan Valley ay magiging P450 na para sa non-agriculture workers at P430 para sa agriculture workers.

Magkakaroon din ng P500 na monthly salary increase ang mga kasambahay sa rehiyon kaya magiging P5,500 na ang kanilang sweldo.

Para sa Central Luzon, inaprubahan ang P40 na dagdag sahod kaya magiging P493 na hanggang P500 ang minimum wage ng mga manggagawa sa non-agriculture sector, P454 hanggang P470 para sa mga manggagawa sa agriculture sector at P475 hanggang P489 naman para sa retail at service workers para sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales.

Habang sa lalawigan ng Aurora ay magiging P449 sa non-agriculture, P422 hanggang P434 sa agriculture, at P384 sa retail at service workers.

Sa Region XII naman, P35 ang inaprubahang dagdag sahod sa mga manggagawa na hahatiin din sa dalawang tanche ang pagpapatupad. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *