Pamamahagi ng centenarian cash gift sa EMBO,sinimulan ng Taguig LGU
Sa pag-aabot ng mahalagang serbisyo sa mga bagong residente nito mula sa EMBO barangays, nagsimula nang magkaloob ang pamahalaang lungsod ng Taguig ng ₱100,000 cash gift para sa mga sentenaryo sa mga lugar na ito bilang bahagi ng kanilang ika-100 na kaarawan.
Si Maura Agripa, 100-anyos, mula sa Brgy. Post Proper Southside ay ang kauna-unahang sentenaryo sa EMBO na nakatanggap ng nasabing cash gift.
Bilang bahagi ng Caring City agenda ni Mayor Lani Cayetano, ang bawat sentenaryo ng lungsod ay nakatatanggap ng ₱100,000 cash gift pagtuntong nila ng 100 taong gulang at patuloy na makatatanggap ng halagang ito kada taon hanggang sila ay nabubuhay.
Nakatatanggap din mula P3,000 hanggang P10,000 (depende sa edad) na birthday cash gift ang mga senior citizens na hindi pa sentenaryo.
Bukod pa rito ang handog ng Taguig na libreng gamot para sa mga taong nakararanas ng mga sakit tulad ng diabetes, high blood at asthma; libreng nursing services sa kanilang tirahan; libreng wheelchairs, canes at hearing aids.
Ang pagpapahalaga at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga senior citizens ay prayoridad ng lungsod kaya talagang masarap tumanda sa Taguig. (Bhelle Gamboa)