Confidential at Intelligence Funds ng mga ahensyang walang kinalaman seguridad, ililipat sa NSC, NICA, PCG at BFAR
Nagpasya ang liderato ng Kamara na ilipat sa ibang tanggapan ang Confidential and Intelligence Funds (CIF) ng mga ahensya ng gobyernong wala namang kinalaman sa seguridad.
Ito ay sa ilalim ng panukalang 2024 National Budget.
Ang nasabing pasya ay nakasaad sa joint statement na nilagdaan nina Rizal 1st Dist. Rep. Michael Duavit – presidente ng National People’s Coalition (NPC); Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona – Nacionalista Party; Agusan Del Norte Rep. Jose Aquino II – Secretary General ng LAKAS CMD; Surigao del Sur 2nd Dist. Rep. Johnny Pimentel – Vice President for Mindanao ng PDP-Laban; Camarines Sur 2nd Dist. Rep. LRay Villafuerte -presidente ng National Unity Party; at BHW Partylist Rep. Angelica Co na kinatawan naman ng Partylist Coalition Foundation Inc.
Ayon sa pahayag ang nasabing pasya ay kasunod ng panibagong insidente sa Bajo de Masinloc kung saan naglagay ng floating barrier ang China Coast Guard (CCG).
Dahil sa nasabing insidente, at iba pang mapaghamong mga hakbang na ginagawa ng China sa West Philippine Sea, sinabi ng Kamara na ang mga CIF ng mga ahensyang walang kinalaman sa seguridad ay ililipat sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sinabi ng Kamara na tumataas ang banta sa seguridad sa West PH Sea kaya mahalagang mapagkalooban ng suporta ang mga security agencies na ang mandato ay tugunan ang suliranin sa territorial dispute.
Gamit ang dagdag na pondo ay inaasahang mapapalakas ang kakayahan at mga kagamitan ng PCG at BFAR upang higit pang protektahan ang teritoryo ng bansa at ang kapakanan ng mga mangingisdang Pinoy. (DDC)