Panukalang rice tariff reduction ibinasura ni Pangulong Marcos
Ibinasura ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang ibaba ang taripa sa bigas para mapababa ang presyo nito sa merkado.
Pinangunahan ng pangulo ang isang sectoral meeting kung saan napag-usapan ang panukalang pagpapataw ng rice tariff reduction.
Inihayag ni Pangulong Marcos kasama ang agriculture at economic managers nito na hindi pa ito ang tamang oras upang pababain ang taripa sa bigas dahil ang projection sa presyo ng world rice ay inaasahang bababa na.
Sa nasabing sectoral meeting iprinisinta ng National Economic Development Authority (NEDA) ang panukalang rice tariff reduction na may inputs mula sa Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Budget and Management (DBM).
Ilang grupo ng magsasaka ang nagpahayag ng pagkabahala sa negatibong epekto ng rice tariff reduction.
Anila ngayong panahon ng anihan sa bansa mas lalong malulugi ang mga magsasaka kung makakapag-angkat ng mas maraming bigas ang mga rice trader dahil sa mas mababang taripa.
Hindi rin umano ito makatutulong sa mga lokal na magsasaka sa halip ay mas lalo pang magiging dahilan ng kanilang pagkalugi.
Maging si NEDA Secretary Arsenio Balisacan na siyang nagrekomenda ng rice tariff reduction ay sumang-ayon na hindi pa ito dapat ipatupad.
Samantala sinabi ng pangulo na mananatili ang pag-iral ng EO 39 na nagtatakda ng price ceiling sa regular rice na P41.00 per kilogram at sa well-milled rice na P45.00 kada kilo. (DDC)