Teachers’ Dignity Coalition nakukulangan pa sa inilunsad na MATATAG Curriculum ng DepEd
Nakukulangan ang grupong Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa MATATAG Curriculum ng Department of Education (DepEd) na nagpapatupad ng pagbabago sa curriculum sa elementarya at high school.
Sa panayam sa programang ‘Isahan’ ni Jake Maderazo sa Radyo Pilipino, sinabi ni Benjo Basas, chairperson ng TDC, welcome naman sa kanilang grupo ang inilunsad na MATATAG Curriculum lalo at layunin nitong maiayos ang congested na curriculum sa primary o sa mga estudyanteng nasa pre-school.
Ayon kay Basas, dapat ay gamitin na ito ng DepEd ang pagkakataong ito para mas pagbutihin pa ang maraming sistema sa edukasyon.
Naniniwala ang kanilang grupo ayon kay Basas na dapat muling isama sa curriculum ng High School ang Philippine History para masentrohan ang kultura ng bansa.
Dapat ding matutukan ang basic skills gaya ng reading, writing at arithmitic sa Kinder hanggang sa Grade 3.
Sinabi ni Basas na may mga pag-aaral kung saan lumilitaw na may mga estudyante na umaabot ng Grade 7 na hirap pa ding makabasa.
Maliban sa curriculum sinabi ni Basas na dapat ding tutukan ang iba pang problema sa mga paaralan, kabilang dito ang bilang ng mga estudyante at kung kumpleto ba ang kanilang learning materials.
Ani Basas kung halimbawa ay sa Grade 1 ay umaabot sa 50 ang mag-aaral, talagang mahihirapan ang mga batang matuto.
Umaasa si Basas na matututukan ng DepEd ang mga suliranin sa mga paaralan lalo pa at sinabi naman ng kagawaran na “continuing development” naman ang MATATAG Curriculum. (DDC)