Floating barrier na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc, dapat baklasin ng PCG
Nanawagan sa Philippine Coast Guard (PCG) si Senate President Juan Miguel Zubiri na baklasin ang floating barrier na inilagay ng Chinese Coast Guard (CCG) sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay Zubiri, walang karapatan ang China na maglagay ng anumang istraktura sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ang inilagay aniyang floating barrier ay delikado para sa mga fishing boat sa lugar dahil maaari itong maging dahilan ng pagkasira ng propellers at makina.
Hiling ni Zubiri sa PCG, agad alisin ang nasabing illegal structures ng China.
Ito ay para igiit ang sovereign rights ng bansa sa lugar at bilang pagprotekta na din sa mga mangingisdang Pinoy.
Ayon sa PCG, dahil sa nasabing barrier ay naharangan ang mga mangingisdang Pinoy at hindi makapagsagawa ng kanilang aktibidad sa lugar. (DDC)