China naglagay ng floating barrier sa Bajo de Masinloc
Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ginawa ng China Coast Guard (CCG) na paglalagay ng floating barrier sa Southeast portion ng Bajo de Masinloc (BDM).
Dahil sa nasabing mga floating barrier ay hindi nagagawa ng mga Filipino Fishing Boats (FFBs) ba mapasok ang shoal para makapangisda.
Ang floating barrier ay may haba na tinatayang 300 meters at nadiskubre ng mga tauhan ng PCG at BFAR habang sila ay lulan ng BRP Datu Bankaw para magsagawa ng routine maritime patrol noong September 22.
Nakita ng mga otoridad ang tatlong Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) ng CCG at ang service boat ng Chinese Maritime Militia na inilalagay ang floating barrier.
Sa pakikipag-usap sa isang mangingisdang Pinoy, natuklasan ng PCG na ang CCG vessels ay kadalasang naglalagay ng barrier sa lugar kapag nakita nilang may mga Filipino fishermen.
Nagsagawa ding radio challenges ang apat na barko ng China para itaboy ang barko ng BFAR at mga bangkang pangisda ng mga Pinoy.
Sinagot naman ito ng BFAR at sinabing sila ay nagsasagawa ng routine patrol sa territorial sea ng Bajo de Masinloc. (DDC)