‘ENSAYO Creative Hub’ inilunsad ng DTI
Inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ENSAYO Creative Hub, isang pagbabago o transpormasyong inisyatibo na naglalayong suportahan at iangat ang malikhaing industriya sa Pilipinas.
Pormal na binuksan ang ENSAYO Creative Hub sa Philippine Trade Training Center – Global MSME Academy (PTTC-GMEA) sa panulukan ng Gil Puyat at Roxas Boulevard Pasay City,nitong Setyembre 22.
Ito ay upang itampok ang mahalagang tungkulin ng creative industry sa bansa para sa pagpapalago ng ating ekonomiya at ikauunlad pa ng lipunan sa pamamagitan ng iba’t ibang hakbang bilang suporta at pagpapalakas sa malikhaing mga talento, kumpanya at manggagawang Pilipino.
Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual na sa pamamagitan ng ENSAYO Creative Hub ay matutulungan ang creative industry ng ating bansa na mas makilala sa international community dahil mabibigyang pansin ang pagiging talentado ng mga Pinoy partikular sa paglikha ng mga katangi-tanging produkto na ating maipagmamalaki.
Dumalo rin sa kaganapan sina Congressman Christopher V.P. De Venecia, Chairperson ng House Special Committee on Creative Industry, DTI Undersecretary Rafaelita M. Aldaba, DTI-Competitiveness and Innovations Group (CIG) Undersecretary Blesila Lantayona, DTI Regional Operations Group Executive Director Nelly Nita N. Dillera, Philippine Trade Training Center – Global MSME Academy Presidents ng ACPI, GDAP & SIKAP, at iba pang creative industry associations. (Bhelle Gamboa)