Nakatuping Polymer Banknotes at centavo coins dapat tanggapin na pambayad sa pamasahe ayon sa LTFRB
Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operator na dapat tanggapin ang mga nakatupi na polymer banknotes at iba pang perang papel na nakatupi.
Ginawa ng LTFRB ang paalala sa pakikipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa LTFRB, dapat tanggapin ang mga ibinabayad na paper at polymer banknotes kahit nakatupi ang mga ito.
Maliban dito, pinaalalahanan din ang mga driver at operator na dapat ding tanggapin kung ang ibinabayad ng pasahero ay centavo coins.
Ayon sa ahensya, nakatanggap sila ng reklamo mula sa publiko na ang hindi tinatanggap ng mga driver ang nakatupi na 1000-Piso polymer banknotes.
May mga driver din umano na hindi tumatanggap ng centavo coins bilang bayad sa pamasahe.
Ayon sa LTFRB, kung mayroong reklamo, maaaring tumawag sa 8888 Citizens’ Complaint Center at sa official social media account ng ahensya. (DDC)