Klase sa ilang bahagi ng Metro Manila at Calabarzon suspendido ngayong araw
Suspendido ang klase ngayong araw (Sept. 22) sa ilang lugar sa Metro Manila at Calabarzon dahil sa makapal na volcanic smog mula sa Bulkang Taal.
Ayon sa Phivolcs delikado ang volcanic smog o vog sa mga indibidwal lalo na kung mayroong hika, lung disease, heart disease, mga nakatatanda, mga buntis at mga bata.
Kahapon ng hapon ay nagbigay ng babala ng Phivolcs sa mataas na antas ng sulfur dioxide na inilalabas ng Bulkang Taal na nagdudulot ng vog sa mga lugar na nakapaligid dito.
Ayon sa huling abiso ng Phivolcs, umabot sa 4,569 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng Bulkang Taal kahapon (Sept 21).
Dahil dito naobserbahan ang low visibility sa ilang bahagi ng Metro Manila simula kagabi.
Kabilang sa nag-anunsyo ng class supension all levels public and private: sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, San Juan at Caloocan.
May mga bayan din sa Cavite, Batangas at Laguna na nag-anunsyo ng class suspension.
Ayon sa Phivolcs, ang smog ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract.
Dahil dito pinapaalalahanan ang publiko na mas mabuting mamalagi muna sa loob ng bahay at magsuot ng face mask kapag lalabas. (DDC)