Las Piñas Market Monitoring Teams nag-inspeksiyon sa presyo ng bigas sa mga palengke
Nagsagawa ng inspeksiyon ngayong Setyembre 21 ang market price monitoring teams ng Las Piñas City Government upang isapubliko na marami ang supply ng bigas na abot-kaya para sa mga consumers sa lungsod.
Ang hakbang ay isinagawa kasunod ng kumalat na maling ulat na sinasabing may shortage o kakapusan ng mababang presyo ng mga bigas sa mga merkado sa Las Piñas dahil sa umano’y bagong umiiral na Executive Order No. 39, na nagtatakda sa price caps sa bigas.
Kaugnay nito,masusing ininspeksiyon ng mga kinatawan ng Las Piñas LGU ang Las Piñas Public Market upang pabulaanan ang kumalat na maling impormasyon sa social media.
Nagpahayag din ang lokal na pamahalaan ng patuloy na suporta sa mga rice retailer sa lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa kanila para siguruhing makakabili ang mga Las Piñeros ng abot-kayang presyo na mga bigas.
Puspusan din ang ugnayan sa pagitan ng mga opisyal ng Las Piñas LGU at mga rice retailers upang mapanatiling sapat ang supply ng bigas sa merkado na naaayon sa mandatong presyo nito sa ilalim ng EO No.39. (Bhelle Gamboa)