Agricultural Economic Sabotage Bill sinertipikahang urgent ni PBBM
Sinertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na nagbibigay depinisyon sa agriculture economic sabotage at pagpapataw ng mabigat na parusa dito.
Ang Senate Bill No. 2432 ay layong i-repeal ang Republic Act No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Sa ilalim ng panukalang batas ay lilikha ng anti-agricultural economic sabotage council na poprotekta sa mga magsasaka at mangingisda laban sa mga mapagsamantalang traders at importers.
Trabaho din ng council na tiyaking makatwiran at abot-kaya ang presyo ng agricultural at fishery products.
Sa sandaling maging ganap ng batas, mapapatawan na ng mas mabigat na parusa ang mga mapapatunayang sangkot sa smuggling, hoarding, profiteering, at cartel ng agricultural at fishery products.
Kabilang sa parusa ay ang life imprisonment at multa na katumbas ng tatlong ulit ng halaga ng mga sangkot na produkto.
Ang mga opisyal o empleyado ng pamahalaan na kasabwat sa krimen ay papatawan ng dagdag pang mga parusa.
Ang naturang panukalang batas ay nakabinbin ngayon para sa sumailalim sa period of interpellations sa Senado. (DDC)