123 na biktima ng human trafficking mailigtas sa Sulu
Nailigtas ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) ang mahigit 100 katao na pinaniniwalaang pawang biktima ng human trafficking.
Ikinasa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Ministry of Labor and Employment ng BARMM, Ministry of Social Services and Development, Women and Children Protection Center-Mindanao Field Unit (WCPC-MFU), Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) at iba pang law enforcement agencies.
Nailigtas ang 123 na trafficking-in-persons (TIP) sa isang bahay ng pag-aari ng isang alyas “Jammang” sa Tubalubac Island, Brgy. Aluh Bunah, Pangutaran sa Sulu.
Sa ginawang operasyon, na-recover ng mga otoridad ang iba’t ibang war materials at ilegal na droga kabilang ang 9 na suspected improvised non-electric blasting caps, 4 na metro ng time fuse, isang M1 Garand Rifle, isang M14 Rifle, isang M16A1 Rifle, mga bala para sa iba’t ibang uri ng baril, at humigit-kumulang 10 gramo ng shabu.
Ang mga nailigtas na biktima ay dinala na sa kustodiya ng MSSD-BARMM.
Habang ang mga ebidensya ay nasa CIDG Sulu para sa documentation at proper disposition.
Ayon sa ulat, ang mga biktima ay pawang mula sa Cebu at Bohol na nakararanas ng forced labor at pinagsasagawa ng spearfishing.
Pinupwersa din silang gumamit ng ilegal na droga para matagalan nila ang hirap sa kanilang trabaho.
Nagawa namang makatakas ni “Jammang” at 15 pang kasabwat nito. (DDC)