P20 per kilo na bigas malayo na sa katotohanan ayon sa isang agriculturist
Naniniwala ang isang agriculture expert na malayo na sa katotohanan ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapababa sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Teodoro Mendoza, retired professor ng College of Agriculture & Food Sciences sa UP Los BaƱos, nagtaasan na ang lahat ng production inputs dahil sa sunud-sunod na oil price hike.
Sinabi ni Mendoza na nagsagawa siya ng kalkulasyon sa kung magkano na ang presyo ng production cost ng palay kasama ang lahat ng gastusin maging ang farmer management, labor, at iba.
Lumilitar aniya na kung ang isang magsasaka ay aani ng 10 tons per hectare, P15 per kilogram ang production cost ng palay.
Gayunman, ayon kay Mendoza, iilang magsasaka lang ang nakakapag-ani ng 10 tons per hectare.
Sa Nueva Ecija, ang average na ani ng mga magsasaka ay 8 tons per hectare o katumbas ng P17.7 na halaga ng production cost kada kilo ng palay.
Kung ang halagang ito ang pagbabatayan sinabi ni Mendoza na hindi talaga pwedeng ibaba sa P20 ang presyo ng bigas.
Nanawagan si Mendoza na huwag ng paulit-ulit na banggitin na maaaring ibaba ang presyo ng bigas sa halagang P20 dahil malabo na itong mangyari. (DDC)