LGUs hinimok na tulungan ang mga maliliit na rice retailers na apektado ng price cap sa bigas
Nanawagan ang grupong ‘Bantay Bigas’ sa mga lokal na pamahalaan na tulungan din ang mga rice retailers na naapektuhan ng umiiral na price cap sa bigas.
Sa isang panayam, sinabi ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupong ‘Bantay Bigas’, marami pang retailers ang hindi pa rin nakatatanggap ng P15,000 na ayuda mula sa pamahalaan.
Maliban dito, sinabi ni Estavillo na maraming maliliit na rice retailers ang nagsabi na sasandaling maubos ang stock nila ng bigas ay hindi na muna sila muli mamumuhunan at magtitinda para maiwasan ang tuluyang pagkalugi.
Pinuri ng grupo ang mga LGUs na kusang nagbigay ng subsidiya at dagdag na tulong sa mga maliliit na negosyante ng bigas sa kanilang nasasakupan.
Ani Estavillo, umaasa sila na sana ay gawin ito ng lahat ng LGUs para matulungan naman ang mga rice retailers na apektado ng price cap. (DDC)