Limang opisyal nominado para maging bagong PCG Commandant
Limang mataas na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ikinukonsiderang papalit kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu na nakatakda ng magretiro sa serbisyo sa October 19, 2023.
Ayon kay Coast Guard Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, ang limang senior officers na nominado bilang PCG Commandant ay sina CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan, CG Vice Admiral Ronnie Gil Gavan, CG Vice Admiral Joseph Coyme, CG Vice Admiral Allan Victor Dela Vega, at CG Vice Admiral Roy Echeverria.
Si Punzalan ay kasalukuyang PCG Deputy Commandant for Operations at miyembro ng PMA Tanglaw Diwa Class of 1992.
Si Gavan naman ang may hawak ng number three position sa Coast Guard bilang PCG Deputy Commandant for Administration at miyembro siya ng PMA Maalab Class of 1993.
Habang si Coyme ay nagsilbi bilang Commander ng Maritime Services Command at kasapi ng PMA Bantay Laya Class of 1994.
Si Dela Vega ang kasalukyang Commander ng Weapons, Electronics and Information Systems ng PCG at miyembro ng PMA Class of 1993.
At si Echeverria ay nagsilbi bilang Commander ng Maritime Security and Law Enforcement Command at direktor ng National Coast Watch Center.
Ani Balilo, ang limang kandidato ay sasailalim sa serye ng interviews at haharap sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na siya namang magpapasa naman ng endorsement sa Office of the President.
Maliban sa mga nominado o sa sinumang ieendorse ng DOTr, sinabi ni Balilo na may diskresyon pa din si Pangulong Marcos na pumili ng iba na sa tingin niya ay pinaka-kwalipikado para sa pwesto. (DDC)