Environmental education dapat isama sa curriculum ayon sa grupong BAN Toxics
Nanawagan sa Department of Education (DepEd) ang grupong BAN Toxics na ikonsiderang maisama sa basic education ang environmental education.
Sa inilabas na pahayag, nanawagan ang BAN Toxics kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na kasabay ng paglulunsad ng ahensya sa MATATAG Curriculum, ay dapat na ikonsiderang maisama dito ang environmental education.
Sa DepEd Order No. 13, ang MATATAG agenda ay sumesentro sa apat na critical components – ito ay ang makapag-produce ng competent, job-ready, active, and responsible citizens; mas pagbutihin ang delivery ng basic education facilities and services; mapangalagaan ang mga mag-aaral at matiyak ang pagkakaroon ng positive learning environment; at mabigyan ng suporta ang mga guro.
Ayon kay Rey San Juan, Executive Director ng BAN Toxics, kung nais ng gobyerno ang magsiguro ang pagkakaroon ng mas matatag na bansa, dapat kasamang ikonsidera ang pagkakaroon ng critical investments sa kalikasan.
Kung maisasama aniya ang environmental education sa K-12 curriculum, matuturuan ang mga bata na maging responsable at kung paano mapangalagaan ang kapaligiran.
Sa pag-aaral ng UNESCO lumitaw na hindi nabibigyan ng sapat na edukasyon ang mga mag-aaral para maka-adapt at tumugon sa climate change at environmental crisis. (DDC)