10 Chinese nationals at Pinay arestado sa major human trafficking bust sa Parañaque
Inaresto ng otoridad ang 10 Chinese nationals at isang Pilipina na isinasangkot sa umano’y human trafficking habang pitong biktima ang nasagip sa ikinasang operasyon sa Unit 1811,18th Floor, SoleMare Parksuites, Barangay Baclaran sa Parañaque City ayon sa naantalang ulat ng Southern Police District (SPD).
Nasa kustodiya ng SPD- District Special Operations Unit si Lin Shengjie,alyas “Boss Lin o Lin Wei,”32-anyos, nahaharap sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) at RA 10591 (Comprehensive Laws on Firearms and Ammunition Act) habang ang kanyang kasabwat na si Xiao Ji, alyas “Boss Kee,” ay patuloy pang pinaghahanap ng otoridad.
Kasamang dinakip sa paglabag sa RA 9208 sina Weichao,30-anyos;Liulizhang; Honghualiang; Luyzhenggang; Zhangmingpeng, 25-anyos; Pengke, 27-anyos;Dengchaofan,30-anyos; Cai deqiang, 34-anyos;Chujunyi, 42-anyos, at ang Pinay na si Arlene Lapurga Geron, 48-anyos.
Ayon sa report naaresto ang mga suspek kasunod nang inisyung search warrant ng Parañaque RTC na nagresulta nang pagkakakumpiska ng ilang uri ng baril at mga bala,rifle bag,dalawang digital counting machine (Chanel X), dalawang MacBook, hard envelope,itim na bag na naglalaman ng iba’t ibang sex paraphernalia, bracelet box na may 13 bracelets, tatlong black radio (Rtako), charger, ₱4,600,000 cash, 20 pirasong Philippine peso bill na magkakaibang denominasyon, 270 pirasong mga foreign currency, at iPhone 14 ProMax sa kasagsagan ng operasyon nitong Setyembre 16. (Bhelle Gamboa)