Pumaslang sa OFW na si Jullebee Ranara, hinatulan na ng korte sa Kuwait
Pinatawan ng 15-taon na pagkakabilanggo ng korte sa Kuwait ang akusado sa pagpatay sa Pinay na si Jullebee Ranara.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) batay sa impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Kuwait hinatulang guilty ng Juvenile Court sa nasabing bansa ang akusado sa pagpatay sa OFW.
Ayon sa DFA, mas mababa ang ipinataw na sentensya dahil menor de edad ang akusado.
Mayroon pang 30-araw ang akusado para iapela ang hatol ng hukuman sa Court of First Instance.
Ayon sa DFA, naipabatid na sa pamilya ni Ranara ang naging hatol ng korte at nagpapasalamat ito sa naging tulong ng pamahalaan sa kanila.
Samantala, pinasalamatan naman ng gobyerno ng Pilipinas ang mga otoridad sa Kuwait sa mabilis na resolusyon sa kaso. (DDC)