Higit 2,000 bata at residente naabot ng medical mission at auxiliary feeding program sa Las Piñas bilang handog sa kaarawan ni PBBM
Mahigit sa 2,000 na bata at residente ang nabenepisyuhan sa tuluy-tuloy na medical mission at auxiliary feeding program ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas bilang handog sa kaarawan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. nitong Setyembre 13.
Pinangasiwaan ng City Health Office ang isinagawang medical missions sa Barangays CAA at Pilar para sa mga residente.
Tumanggap ang mga residente ng libreng konsultasyong medikal sa pagtugon ng mga nakatalagang healthcare professionals patungkol sa iba’t ibang alalahanin sa kanilang kalusugan.
Nakakuha rin ang mga residente ng libreng gamot at vitamins na donasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lokal na pamahalaan bilang karagdagang tulong sa pagpapanatili ng kanilang kondisyong pangkalusugan.
Bukod dito, isinagawa naman ng City Nutrition Office ang auxiliary feeding program para sa mga bata upang labanan ang malnutrisyon.
Inikutan ng Kusina ng Las Piñas ang Malunggay Street, Brgy. BF International-CAA; Laong Compound sa Brgy. Almanza 1; at Sampaguita Compound sa Brgy. Pilar sa lungsod upang handugan ng libre at masustansiyang pagkain, at bottled water ang nasa 1,200 na bata sa mga naturang lugar.
Nabatid na ang mga ipinamahaging pagkain at inuming tubig sa mga bata ay maingat na inihanda ng mga Nutritionist- Dietitians at Barangay Nutrition Scholars ng Las Piñas.
Ang mga nasabing programa ay sa inisyatibo nina Mayor Imelda “Mel” Aguilar at Vice Mayor April Aguilar kasama ang City Council. (Bhelle Gamboa)