Mas mataas na produksyon ng asukal inaasahan ngayong taon ayon sa SRA
Umaasa ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na mas mataas ang magiging produksyon ng asukal ngayong taon kumpara noong 2022.
Sa isang panayam, sinabi ni SRA acting administrator at CE Pablo Luis Azcona na noong 2022, umabot sa 1.799M metric tons ang produksyon ng asukal sa bansa.
Ngayong taon, nadagdagan aniya ng 3,000 ang plant area kaya inaasahan ang pagtaas ng produksyon sa asukal.
Sa pagtaya ng SRA, sinabi ni Azcona na posibleng umabot sa 1.85M metric tons ang sugar production ngayong taon.
Gayunman, hindi naman inaalis ng SRA ang posibilidad na maapektuhan ng El Niño ang produksyong ng asukal.
Ayon kay Azcona, kung makararanas ng severe El Niño ay maaaring mabawasan pa ang estimate sugar production ngayong 2023.
Sa kabila nito, sinabi ni Azcona na sapat pa rin naman ang suplay ng asukal sa bansa.
Masaya din aniya ang mga sugar farmer dahil nananatiling stable ang suplay at presyo ng asukal sa merkado. (DDC)