Micro rice retailers sa Las Piñas tumanggap ng cash assistance
Bilang maagap na pagtugon sa tumataas na presyo ng bigas sa bansa, ipinamahagi ng Las Piñas City Agriculture Office at City Social Welfare and Development Office ang tulong pinansiyal sa mga lokal na micro rice retailers, traders, at vendors sa Las Piñas Cafe nitong Setyembre 12.
Pinangunahan ni Mayor Mel Aguilar ang pag-aabot ng P15,000 na cash assistance sa 139 na kuwalipikadong benepisyaryo sa idinaos na payout sa Las Piñas Cafe sa bisinidad ng Las Piñas City Hall.
Binigyang-importansiya ni Mayor Aguilar ang pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa maliliit na negosyo sa lungsod para sa siguruhin ang seguridad sa pagkain sa lungsod.
Pinuri ng alkalde ang pinagsamang inisyatibo na mahalagang hakbang sa pagpapabuti sa matatag na ekonomiya ng Las Pinas.
Layunin ng cash assistance na pagaanin ang epekto ng mataas na presyo ng bigas sa maliliit na negosyante upang magpatuloy sila sa kanilang operasyon na magtinda alinsunod sa mandatong price ceiling sa bigas upang maging maayos ang suplay nito sa komunidad.
Target na rin ng Las Piñas LGU na isulong ang mga proyekto nito sa hinaharap kabilang ang training programs at mas madaling pagkuha ng mababang interes na pautang bilang suporta sa mga negosyante ng bigas. (Bhelle Gamboa)