Pag-alis sa taripa sa pag-aangkat ng bigas magreresulta sa “unlimited rice importation”
Magreresulta sa “unlimited rice importation” ang ipinapanukalang alisin ang taripa sa pag-aangkat sa bigas.
Ito ang reaksyon ni AGAP Partylist Rep. Nick Briones sa panukala ng Economic Managers ng pamahalaan na alisin na ang taripa sa rice importation.
Sa isang panayam sinabi ni Briones na ang pagbaba o tuluyang pag-alis sa taripa ay maituturing na “maling polisiya” ng pamahalaan na mag-reresulta lamang sa lalong pagpapahirap sa mga magsasaka sa bansa.
Sa halip na pangalagaan ang mga lokal na magsasaka para magsipag at magparami ng mga tanim na palay, sinabi ni Briones na mistulang tuluyan silang inaalisan na ng pag-asa.
Dagdag pa ni Briones, gamit ang taripa na nakukulekta ng gobyerno sa pag-aangkat ng bigas ay natutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka sa iba’t ibang mga pamamaraan.
Kung magpapatupad aniya ng zero tariff, ay hindi na makapagtatanim ang mga magsasaka, mawawalan pa ng pondo para sila ay matulungan.
Umaasa si Briones na hindi pakikinggan ni Pangulong Marcos ang nasabing panukala.
Ani Briones, kung hindi pagmamalasakitan ng gobyerno ang mga magsasaka, nangangahulugan din ito ng kawalang malasakit sa mga consumer. (DDC)