2 sugatan, mga residente nagpalipas ng gabi sa labas ng kanilang bahay matapos ang magnitude 6.4 na lindol sa Calayan, Cagayan

2 sugatan, mga residente nagpalipas ng gabi sa labas ng kanilang bahay matapos ang magnitude 6.4 na lindol sa Calayan, Cagayan

Sa labas ng bahay nagpalipas ng gabi ang ilang residente ng Calayan Island sa Cagayan makaraan ang pagtama ng magnitude 6.4 na lindol Martes (Sept. 12) ng gabi.

Ayon sa Cagayan Provincial Information Office, may mga residente ding dinala sa mga evacuation center para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Patuloy pang inaalam ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calayan kung mayroon pang ibang nasaktan sa lindol.

Una ng napaulat na dalawang menor de edad na magkapatid ang nasaktan matapos silang mabagsakan ng konkretong pader ng kanilang bahay sa Centro 2 sa isla ng Calayan.

Ayon sa Calayan Municipal Information Office ang magkapatid ay edad 13 at 12 na agad namang nadala sa pagamutan.

Dahil sa tumamang lindol, iniutos na ni Calayan Mayor Jong Llopis ang suspensyon ng klase sa lagat ng antas ngayong araw, Sept. 13.

Ito ay para bigyang-daan ang inspeksyon sa mga gusali sa mga paaralan matapos makitaan ng malalaking bitak sa pader ang ilang pasilidad ng Calayan High School main.

Ang lindol ay unang itinala ng Phivolcs sa magnitude 6.4 na kalaunan ay ibinaba sa magnitude 6.3.

Tumama ang malakas na pagyanig 7:03 ng gabi sa Calayan Island. (DDC)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *