Pamamahagi ng Fuel Subsidy sisimulan na ng LTFRB
Simula bukas, Sept. 13 ay uumpisahan na muli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng subsidiya sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan.
Tulong ito sa mga tsuper at operator sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim din ng nilagdaang Joint Memorandum Circular, makikinabang sa Pantawid Pasada Program (PPP) o Fuel Subsidy Program (FSP) ang mga operator ng mga pampublikong dyip o PUJ, Filcabs, UV Express (UVE), minibuses, pampublikong bus o PUB, Shuttle Services, Taxis, Tourist Transport Services, School Transport Service, Transportation Network Vehicle Services, Delivery Services, at Tricycle.
Makatatanggap ng P10,000 subsidiya ang bawat operator ng modern PUJs at UV Express na kwalipikado sa programa.
Habang P6,500 naman ang ipamamahagi sa kada operator ng iba pang nabanggit na pampublikong sasakyan, modern man ito o hindi.
Samantala, sa pangunguna ng DICT at DTI, bibigyan naman ng nagkakahalagang P1,200 na subsidiya ang bawat delivery service rider na kwalipikado sa programa.
Habang P1,000 naman ang ipagkakaloob sa mga tsuper ng tricycle sa pangangasiwa ng DILG.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, walang uri ng pampublikong sasakyan ang papaboran para sa pagbibigay ng subsidiya dahil lahat ng mga nangangailangan nito, modern man o hindi, ay makatatanggap.
Ani Guadiz, ang pagkakaiba naman ng halaga na inilaan sa bawat benepisyaryo ng subsidiya ay nakadepende kung gaano karami ang produktong petrolyo na kinokonsumo ng kanilang pampublikong sasakyan.
Batay sa datos ng LTFRB, nasa 1.36 milyon na mga operator ang makatatanggap ng subsidiya. (DDC)