Pagpasok ng imported na bigas sa bansa dapat kontrolin ayon sa grupo ng mga magsasaka
Dapat kontrolin ng pamahalaan ang pagpasok ng mga imported na bigas sa bansa.
Ayon sa grupo ng mga magsasaka, dahil binuksan ang merkado para sa unlimited importation ng bigas, nagkakaroon ng pagkakataon na sobra-sobra ang suplay ng bigas sa bansa bunsod ng sobra-sobrang importasyon.
Sa isang panayam sinabi ni Raul Montemayor, National Manager ng Federation of Free Farmers, masyadong naging palaasa ang bansa sa importasyon ng bigas.
Dahil dito, nawalan ng pag-asa ang mga lokal na magsasaka na makapagtanim.
At ngayong may problema sa suplay ng bigas na inaangkat sa ibang bansa, ay kinakapos tuloy ng suplay ang Pilipinas.
Sinabi ni Montemayor na wala namang problema sa importation ng bigas dahil hindi naman talaga kakayanin ng mga local farmers na mai-suplay ang buong isang taon na pangangailangan sa bigas ng bansa.
Gayunman, hindi aniya dapat sobra-sobra ang pag-aangkat.
“Naging palaasa tayo sa importation at ngayong nagmahal ang imports pati private sector ay ayaw ng umangkat. Kailangan naman talaga umangkat, pero ang nagiging problema ay sobra-sobra ang pag-angkat natin,” ani Montemayor.
Para kay Montemayor, dapat ay ayusin ng gobyerno ang polisiya sa rice importation, kasabay ng pagsasaayos din ng local supply problem.
Kadalasan kasi aniyang tinutugunan ng pamahalaan ang suliranin sa importasyon, subalit hindi natutugunan ang suliranin sa local supply.
“Ang kakapusan natin sa supply, ang solusyon lagi ay importation. Kung parating importation na lang ang solusyon, ay paliit ng paliit ang kakayahan natin na mag-suplay ng sariling bigas natin, kaya lalo tayong aasa sa importation,” dagdag pa ni Montemayor. (DDC)