Anti-smoke belching ops ng MMDA nagpapatuloy
Regular pa rin ang isinasagawang operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Anti- Smoke Belching Unit laban sa mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok upang siguruhin na mas malinis at ligtas na hangin sa Metro Manila.
Base sa datos noong buwan ng Agosto, nasa 314 pampublikong sasakyan ang sumailalim sa roadside smoke emission test na ginagawa upang masukat ang dami o kapal ng usok na nagmumula sa tambutso ng isang sasakyan sa pamamagitan ng opacimeter.
Sa nasabing bilang, 121 rito ang pumasa sa smoke test habang 193 ang bumagsak.
Ang operasyon ng MMDA ay bilang pagtugon sa Republic Act 8749 o Philippine Clean Air Act of 1999 kung saan ipinagbabawal na ibiyahe ang mga sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok. (Bhelle Gamboa)